God Will Surprise Us with the Fruits of BEC (Luis Antonio Cardinal Tagle)

(Talk of His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle, Archbishop of Manila, at the MAGPAS on June 7, 2014 at the Paco Catholic School auditorium at 11 a.m.)

Maraming salamat po sa inyong lahat sa inyong katapatan dito po sa ating MAGPAS. Akala ko nga po walang darating ngayon kasi sabay sabay po ang mga activities. Pero maraming salamat sa inyo. Hindi natin pinapabayaan itong buwanan na paghuhubog at pagtatalakayan. Katulad nga po ng ating nasabi na natin nuon, ang MAGPAS ay ating pong gagamiting forum hindi lamang para sa karagdagang kaalaman or new added knowledge kundi upang matuloy ang pakikinig natin sa isa’t isa patungo sa sama samang pagkilos ng isang Simbahan na ipinagpanibago, Renewed Church. Kaya nagpapasalamat po ako, pati itong Year of the Laity naging pagkakataon ito upang mahubog din natin ang MAGPAS para po makatulong sa ating hinahangad na Renewed Church.

Sa pinaliwanag po ni Father Benjie Ledesma, ang atin pong dalubhasa sa BEC, bago napapanaginipan niyo na yung salitang BEC, ilang sessions. Sabi ko ho sa kanya, baka wala na akong maidagdag sa kanyang sinabi. Siguro po kung mayroon konting repetition, pasensiya na po kayo. Pero narining ko yung ibang mga tanong ninyo kaya nais ko ring magbigay ng konting, hindi man tugon, ay batay sa karanasan, sharing, tungkol po duon.

Sisimulan kop o ang aking pagdugtong sa sinabi na ni Father Benjie sa pagpapaalala sa atin, next year po, 2015, limangpung taon na ng isinara ang Second Vatican Council. Imagine yung itong ecumenical council na nagdulot ng vision of a Renewed Church, Vatican II, mag-fi-fifty years na ang pagtatapos. Kasi binuksan siya, 1962, at nagtapos 1965. Sino po sa inyo ang buhay na nung 1965? Huwag magsisinungaling, Pentecost bukas, iihip ang Espiritu Santo at tatangayin ang hindi nagsasabi ng totoo. O, tignan ninyo, halos kalahati o higit pa sa kalahati ng nandito sa atin ay tao na nuong Vatican II ay nagsara. Limangpung taon na ang vision of Vatican II na nakalagay duon sa napakagagandang dokumento: Lumen Gentium, ang Simbahan; ang Liturhiya, Sacrosanctum Concilium; ang Salita ng Diyos at Pagpapakilala ng Diyos, Dei Verbum; ang Simbahan sa makabagong panahon, Gaudium et Spes; ang misyon ng mga layko, Apostolicam apoestitatem; tapos para sa mga pari, Presbytirorum ordinis; pati sa aming mga Obispo, Christus dominus; pati ang means of communication, pati po ang ecumenism, ang inter-religious dialogue, ang pagpapanibago ng religious life, pati ang seminary formation—a Renewed Church.

Tapos po sa Pilipinas nagkaroon ng Second Plenary Council (PCP II) upang ang Vatican II ay mailapat sa situwasyon natin sa Pilipinas. Ito po ay ginanap 1991. Ito po ang bunga, Acts and Decrees of the Second Plenary Council. 2014 na po, nagsimula ito 1991, ilang taon na ang PCP II? 23 years na ang PCP II, ang Vatican II, 49th ngayon, magfi-fiftieth next year. PCP II, which is our local acceptance of Vatican II for a Renewed Church in the Philippines, 23 years old. Tatanungin ko, ilan ba ang tao na, 23 years ago nung 1991? Siguro naman lahat na tayo na iyan. Mayroon ba ditong two years old? Wala naman ano ho. So puwede nating sabihin na tayo ay mga anak ng Vatican II at anak ng PCP II. Siyempre kung ano ang puno siya ang bunga. Kung sinasabi natin, tayo ay mga bunga ng Vatican II, tayo ay mga bunga ng PCP II, Makita sa atin nawa yung tunay na bunga ng renewed Church na isinusulong ng Vatican II at PCP II. Baka may mga nagtatanong po, bakit ba paulit ulit itong BEC? Alam po ninyo, ayon sa PCP II, sa Acts of PCP II, ang isang mukha na ang Simbahan sa Pilipinas at tunay na nagpanibago ay ang BEC. Kinikilabutan po ako habang sinasabi ko ito. Sabi ng PCP II, “an expression of a Renewed Church is the Basic Ecclesial Community.” Parang naririnig ko ang PCP II nagsasabi, may BEC ba kayo? Kapag ang sagot natin ay, wala, baka ang maging conclusion ng PCP II, hindi pa kayo “renewed.”

Huwag niyo akong titigan ng ganyan. Hindi po ako ang sumulat nito; PCP II po ito. At pagdating po sa decrees of PCP II, kaya po tayo dito sa Manila ang nagsusulong nito, dahil dinikreto, dinicree ng PCP II, nakalagay po dito, “Basic Ecclesial Communities, under various names and forms, BCCs, Small Christian Communities, Small Lay Communities, Covenant Communities, must be vigorously promoted for the full living of the Christian vocation in both urban and rural areas.” Decree po ito. Ang BEC ay dapat marugdog at masigasig na isinusulong para sa ganap na pagsasabuhay ng ating bokasyon bilang mga Kristiyano. At kanina may nagtanong, parati raw sinasabi nung iba, mas madali magtayo ng BEC sa probinsiya, mahirap dito sa city. Eh, ang sabi po ng PCP II, ito ay marugdog at masigasig na isusulong hindi lamang sa rural areas kundi sa urban areas. Tayo yun! Hindi sinasabi ng PCP II magbuo ng BEC kung saan madali magbuo at duon sa mahirap magbuo, exempted na kayo. Sabi ng PCP II, ke mahirap, ke madali, isulong iyan. This is 23 years ago. Kaya po may nagtanong sa akin, bakit ba paulit ulit iyang PCP II na iyan, BEC na iyan? Eh kasi naman kako, yung ipinanganak nung 1991, eh tapos na ng college ngayon, eh parang, naisusulong ba natin yung mga iniwan nito sa atin?

Itutuloy ko pa ho ba? Sabi ko ho kanina, pasensiya na kung mayroong konting repetition kasi siguro sa loob ng 23 years marami na rin tayong nakalimutan kaya mabilis lang po ito  at pupunta ako sa konting kuwento at karanasan, bilang sharing na rin duon sa mga inabutan kong nagtanong kanina.

Uulitin ko po ang sabi ng PCP II at lalo na sa Year of the Laity, napakahalaga po nito. Sabi po ng PCP II, ang isang mukha, ang isang palatandaan na ang Simbahan ay nagpanibago, Renewed, ay ang presensiya ng Basic Ecclesial Community. Tawagin man daw natin iyan na Basic Christian Community, Small Christian Community, Covenant Community, BASTA! BEC siya! Iyan ay palatandaan ng Renewed community or Church. Pero pag tinigtan po natin ang PCP II, ano ba ang Renewed Church? Ano ba ang Simbahang pinagpanibago? At ito po ang mga dapat nararanasan sa BEC. Hindi sapat na bilangin natin ang mga magkakapitbahay. Sampu kayong mga pamilya, sige BEC kayo! Not necessarily na magiging BEC sila. Baka yang sampung pamilya na iyan eh maging bingo, binguhan sila. O kaya habang nagbibingo ang mga lola, lolo, yung mga asawa naman nila mga nagkukuwatro kantos na …. Hindi automatic na kapag grinup (group) mo ang mga magkakapitbahay magiging BEC. Sisimulan ko dun. It should be the expression of a Renewed Church. At ano po ang mga katangian ng Renewed Church? Lima po.

Una: communion. Pagbubuklod. Mayroon isang pari sabi sa akin, Cardinal parang paborito mong salita yung communion, kasi sa mga talks sa mga pari laging Church as communion. Ano ho eh, I feel I am under compulsion, I am under obedience to promote it. Hindo ko ito inimbento. Hindi sa akin galing iyan. Ito ay dapat isinusulong nating lahat. Church as communion. Sabi po ng PCP II, itong communion na ito, harinawa, ay unity in diversity. Kahit magkakaiba, kahit magkakaiba ang ating pinanggalingan, ang ating estado sa buhay, iba’t iba ang mga talent, iba-iba ang mga kasaysayan; mayroong iba na naging bako bako ang takbo ng buhay. Mayroong iba na mukhang pinalad, naging maayos. May mga kahit hindi nila gusto ay nasugatan. Pero mayroon namang iba na pinalad, na walang dungis. Iba iba tayo pero hindi sagabal ang pagkakaiba sa pagbubuklod. Hindi ako makikipagbuklod lamang sa katulad ko. Communion opens my heart and my doors to anyone. Ano ang sabi ni Hesus, mahalin mo ang kaaway. Pati ang kaaway, mamahalin. So hindi ko pipiliin kahit na ibang iba sa akin; kahit na nga kaaway pa, kasama sa pagmamahal na nagbubuklod. Unity in diversity.

At ano pa ang katangian ng communion? Equality in dignity.  Pagkakapantay sa dangal. Hindi porke yung isa ay may college degree, yung kapitbahay na nakatapos lang ng elementary sila ay magkabukod na na community. Hindi. May pinagaralan ka, ako may pinagaralan, siguro sa pinagaralan hindi tayo patas. Pero patas tayo sa dangal bilang tao at bilang binyagan. Nandun ang communion. Hindi ko tinitignan, uy, makinis ang kutis nito. Hay itong isa, babad ito sa araw. Mababang uri. O ito, wow! Mag Tagalog man, mag Inglis man, wow talaga naman may kalidad. Ay itong isa kitang kita mo, barrio-tic na barrio-tic, barangay-ish ang kanyang ano… Ay hindi, sa taguri ng mundo wala ng pagkakapantayan, pero sa Renewed Church of communion, ano pa man ang punto mo, ano pa man ang hubog ng kutis mo, magkapantay tayo, dahil tayo ay kapwa may dangal, na nilalang ng Diyos bilang tao at binyagan sa ngalan ng Espiritu Santo, ni Hesus at ng Diyos Ama. Communion. Nararanasan ba sa BEC ang communion? Ang pagkakaiba ba ay nagiging sagabal sa pagbubuklod? Mayroon bang diskriminasyon? Sa BEC ang renewed Church of communion mas ma-e-experience. At iyan aandar na sa buong parokya, sa buong diocese at buong mundo.

Ano po yung unang katangian ng Renewed Church? Communion.

Ikalawa po, ang renewed Church ang katangian pa ay partisipasyon, participation. Pero ibig ko pong basahin ang isang bahagi ng PCP II. Alam naman natin ang participation—lahat ay nagaambag, lahat tumatanggap. Hindi pupuwede na tagatanggap lang ako at wala naman akong iniaambag. Yun naman iba, ambag lang ng ambag ayaw naman tumanggap sa kapwa. Para bagang alam niyang lahat. Kayo ko yan! Alam ko na yan! Basta siya lamang taga bigay pero yung siya ang tatanggap? Ay, NO! Bumababa ang dangal ko!Ang participation ay two ways. Everyone gives; everyone receives. Pero sabi po ng PCP II, at tamang tama sa Taon ng mga Layko, sa Pilipinas daw, participation, in a special way, means enabling the lay people to participate more fully in the life of the Church and its task of mission. Ang partisipasyon daw po sa Pilipinas ay mayroong kailangang tutok. At ano iyon? Na ang mga layko ay mas higit pa na makasalo sa buhay ng Simbahan at sa kanyang misyon. Bakit? Kasi daw po, parang ang buhay ng Simbahan at ang misyon ng Simbahan nakasalalay lamang sa mga pari at relihiyoso, relihiyosa. So ang vision ng PCP II of a renewed Church in the Philippines ay mas ganap na pakikilahok ng layko sa buhay at misyon ng Simbahan. Doon sa inyong kapitbahayan, wala dun si Father, hindi siya dun nakatira. Wala dun si Sister unless mayroong kumbento ng madre doon sa inyong kapitbahayan. Ngayon kayong nakatira doon papaano kayo mabubuhay bilang alagad ni Kristo. Huwag niyong anyayahan si Father… Father dun ka na tumira sa aming BEC. Hindi! Kayo ang gumanap sa buhay paglilingkod, buhay misyon, at pagsunod kay Kristo doon sa inyong kapitbahayan.

Naikuwento ko nung huli akong nagsalita dito, nagbigay ako ng mga iba’t ibang images… yung isang simbahan ay priest-centered. Sabi ko nga, Father of Perpetual Help. “Father, yung asawa ko lasinggero…” Lahat yun idudulog kay Father. “Father ang asawa ko sugarol”… problema na ni Father iyon. Father anong kulay ng banderitas ang ating isasabit sa piyesta? Pati banderitas kay Father. Kaya kahit ang patrona ay Mother of Perpetual Help, ang parokya niya talaga, Father of Perpetual Help. Sinasabi ng PCP II, hindi renewed ang simbahan kung iisang tao at iilan lang ang kumikilos. Communion umuuwi sa participation. Iyan! So sa BEC, sana mas ganap ang pakikilahok.

Ikatlo po: community in mission. Ibig sabihin, nagbubuo nga tayo ng communion, ng participation, hindi para sa sarili natin. Kasi nga ho yung community nagiging sarado. Para bagang, you look at me, I look at you, we look at each other. Ganyan na lang po. We are a community. You and me against the world. Sarado. Hindi ho ganun ang simbahan. Sabi nga po ng PCP II, a renewed Church is a community but a community in mission. Kaya nga sila bumubuo ng sambayanan para makatugon, maisugo, kayo yung community natin must exist for the world; must address the concerns of the world. Sabi nga po ng Gaudium et spes, the hopes, the joys, the pains, the sorrows of the men and women of our time. Kaya diyan papasok ang inter-religious dialogue; nandiyan yung work for justice; nandiyan yung work for peace; naandiyan yung ating pagkabahala sa nangyayari sa ating mga kapatid nating homeless, streetchildren, mga magsasaka…Maraming salamat po pala doon sa special collection na ginanap para po doon sa ating mga magsasaka. Yung mga biktima ng human trafficking.

Kagagaling ko lang po sa Rome at sa States. May lumapit sa aking lalaki, sabi niya, Cardinal narinig ko po sa YouTube mayroon kayong sinabi sa New York tungkol sa migration and human trafficking. Sabi ko, oo, nag-ano ako doon. Sabi niya, biktima po ako. Teacher po ako sa Pilipinas. Mayroong agency na nagayos na makapagtuturo ako sa America. Gumastos po ako halos isang milyon, kulang kulang sa isang milyon. Pag dating sa America at doon sa dapat na paaralan, sabi daw dun, wala, wala kaming hina-hire na mga teachers sa Pilipinas. Nung kinokontak na nila yung mga taong kausap nila, wala na iba na ang mga numero. Isa lang siya. Puwede ko bang sabihin sa kanya, well, I belong to a community, maghanap ka ng community mo. Basta ang concern ko lang yung community ko. Eh kung wala kang community, sorry ka na lang. Hind ganoon ang renewed Church. kung tunay kang community, mabubuksan ang mga pader upang marinig ang tawag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga kapwa tao, lalo na ang mga maliit, ang mga inaapi at ang mga dukha. Community is not an excuse to be blind, deaf and hardened. Kung buhay ang community, mas malakas ang misyon. Kaya ang BEC na nagiging barkadahan at “kami laban sa katabing BEC”, community nila against our community. Hindi BEC iyan. Hindi yan Renewed Church! Yan ay pagsisimula ng World War III. Yan ang ayaw natin. So Communion, Participation, Community in Mission.

Ikaapat po: A priestly, prophetic and kingly people. In other words, a people living their baptismal grace and calling. Balik tayo sa binyag. Doon tayo nakibahagi sa pagkapari, pagkapropeta, at pagkahari ni Hesus.

Bilang pagkabahagi ng pagkapari ni Hesus, mabuhay ng banal. Kabanalan. Bilang kabahagi sa pagkapropeta ni Hesus, ipahayag, isabuhay ang salita ng Diyos. At bilang kabahagi sa pagkahari ni Hesus, ano maghahariharian ba tayo? Magre-reyna-reynahan? Kabahagi ng pagkahari ni Hesus, maglingkod. Priestly people, holy people. A prophetic people, living by the Word of God. A kingly people, serving people. Banal, nabubuhay sa salita ng Diyos at naglilingkod.

At panghuli po, ang renewed Church in the Philippines na dapat nararanasan sa BEC ay Church of the Poor. Una sa lahat, living the evangelical spirit of poverty. Yung pagiging dukha dahil umaasa sa Diyos at hindi sa kayaman makamundo. Ang kayaman ay ang Diyos at sa kanya umaasa. Kaya nga minsan, pag may nagtatanong sa akin, “Cardinal magagawa ba natin itong project na ito, wala tayong pera?” Sabi ko, “ang pera ba ang nagdidikta ng ating misyon? Kapag wala ng pera, wala ng misyon? O, magmisyon ka, at habang nagmimisyon ka baka dumating ang pera. At kung walang dumating na pera, eh mag-misyon ka pa rin. May bibig ka naman, may kamay ka naman, may luha ka naman, may puso ka naman! Baka pag nagkapera ka baka mawalan ka pa nga ng puso, mata, tainga at bibig. Hindi ko matanggap iyon, na hindi nating puwedeng gawin ito kasi wala tayong pera. Ang pera ba ang nagsusugo sa atin o ang Panginoon? Hindi kayo sumasagot! Sino ba ang nagsusugo sa atin? “Ang Diyos.” Salamat naman. Akala ko may sasagot na ang pera ang nagsusugo sa atin…Eh para bang ang being Church and being missionaries ay lagi nalang diktado ng pera. Kaya ng Church of the Poor, eh. At yun ang una. You are not dictated by money; you are dictated by your trust in God, who sent His Son, the Son who became poor so that we can be enriched by His Father. Buhay pa ba yung ganung paniniwala pero sa puso natin, “sana may pera!” Sa bibig ay, “magtiwala sa Diyos!” Pero sa puso ay, “magkano na ba ang aking ipon?” Hay naku!

So evangelical spirit, a special concern for the poor. Bagamat iibigin lahat, iibigin sa isang espesyal na paraan ang higit na nangangailan ng pagibig, ang mga dukha. Sa Church of the poor, ang mga dukha ay hindi nakadaranas ng diskriminasyon dahil sila ay mahirap. Sa Church of the poor nagbabahaginan ng resources. Sa Church of the poor, hindi nagiisa, laging may katuwang ang dukha. At sa Church of the poor ang dukha hindi lamang tagatanggap mula doon sa mukhang matataas, nakapagaral at mayayaman; ang mga dukha, sila rin ay daan ng ebanghelisasyon ng buong Simbahan. Maraming maituturo ang dukha; maraming matututunan ang lahat sa mga dukha. Communion, participation, Community in mission, a priestly, prophetic, kingly people and Church of the poor. Iyan daw po ang mga katangian ng Renewed Church in the Philippines. Ayon sa PCP II at Vatican II, ito daw po ang mga katangian na dapat nakikita sa tunay na BEC.

So ang BEC ay hindi lamang kalipunan o grouping. Ito po ay dapat karanasan, pagsasabuhay ng Renewed Church. At iyan po ay sa una sa biyaya ng Diyos, pero sa pagsisikap din po natin. Katulad ng mga magaasawa… puwede ko pang malaman, ilan na inyo ang mga may asawa? O ilan sa inyo ang masaya sa inyong asawa? Parang kumaunti ho yata.  Ke masaya kayo o hindi, may asawa kayo. O di ba ho naalaala niyo pa ba nung kayo ay nagsumpaan? O kinalimutan na ninyo. Nagsumpaan kayo; natatandaan niyo kung anong araw; natatandaan niyo kung anong oras; natatandaan ninyo kung saan lugar. Pero yung sumpaan na iyon ay simula lamang ng isang mahabang paglalakbay. Yung sinumpaan ninyo kailangan i-workout; kailangang unti-unting desisyunan, unti-unting i-re-renew. Nagkatampuhan kayo. Sabi niyo, honey pahingi naman ng kape. Ang binigay sa inyo ay orange juice. Sabi niyo, ikaw hindi ka naman nakikinig sa akin. Eh, hindi ka naman malinaw magsalita, eh. Ayan na, nagsimula na. Sige, inumin mo yang orange juice mo. I-orange juice moa ng mukha mo! Ayan na… Ganyan ba kayo mag-usap? Dahil lamang sa kape na iyan, orange juice, kung anu-ano na. Nung gabing yun tampuhan na… Kakain ako ng una. Kinaumagahan, magdedesisyon ka, eh. Kakausapin ko ba to? Bigyan ko kaya ng pineapple juice sa halip na kape. Sasagarin ko na ba ang paninikis? Pero magde-desisyon ka. Pareho naman kaming mapapagod, wala naman kahihinatnan ito. Kakausapin mo pa rin. Gising, ano ang gusto mong almusal.. You renew. Yung mga ganoon na hindi na ninyo kailangang maghintay pa ng anibersaryo. Yung ganung mga karanasan, you renew the relationship, you renew the vows, you renew your being a family. Ganun din ang Simbahan. Hindi porke nasimulan ng ganito, tapos na. We keep on renewing it; building communion which is always threatened by division. Renewing participation which is always being threatened by indifference or domination. Renewing our community as a missionary community, which is threatened by a false sense of community which is inward looking and protective of itself. Renewing our baptismal vocation which might become simply a ceremony. And renewing our commitment to the poor.

So sana po, narining ko kanina sinabi ni Father Benjie, huwag nating iisipin na ang BEC parang organisasyon lamang. Totoo poi yon. Ang BEC is an expression of a renewed Church; hindi lang ito organizational ploy, strategy… hindi po but nasa puso nito ay ang Simbahang nagpanibago.

Ilang ano lang po, at dito na ako magtatapos, doon sa mga narinig ko ….

Alam po ninyo na dapat malinaw na dahil sa communion sa BEC hindi po tayo pupuwedeng nagmamalinis doon sa mga kapitbahay na mukhang may mga problema sa pamilya… ay excluded na sila. We have to reach out to them, kasi balikan po natin si Hesus. Sino ang mga talagang ka-chokaran, mga unang kasama ni Hesus. E biruin naman ninyo, itong mangingisdang parang wala namang masyadong alam at ipinagmamalaki. Itong isang tax collector na isa na siguro sa pinaka makasalanan nung panahon na iyon, si Mateo. Si Zaccheo ay isang tax collector na mandaraya, magnanakaw. Si Hudas, traidor. Naku po, pati yung mga may sakit na nilalayuan ng iba. Mga bata na pinalalayo. Mga babae na iskandalo daw na pinayagan ni Hesus na ang kanyang mga paa ay hugasan. Ang galit na galit ay ang mga pariseo. Ang tingin ng mga pariseo sila yung pure.  At kung si Hesus ay tunay na anak ng Diyos hindi niya papayagan itong mga makasalanan na ito na lumapit sa kanya. Kanino ba tayo alagad? Alagad ba tayo ni Hesus o ng mga Pariseo. (softly) Hesus. Parang walang paninindigan, eh. KANINO TAYO ALAGAD, KAY HESUS O SA MGA PARISEO? KAY HESUS !! Yan, so huwag sumunod sa mga pariseo. Anong klaseng community iyon kung ang batayan—matatawag ba ng Christian community kung ang batayan ay hindi si Christ kundi ang mga pariseo. Tapos po doon sa sabi nga ang hirap daw magtayo, eh sino ho ba ang nagsabing madali? Sino ba ang nagsabing madali magsimula ng pamilya? Doon sa mga may asawa, taas ang kamay, madali bang palakihin ang inyong asawa? Ang hirap di ba? Kasi ang misyon ng mga magasawa, to form my spouse as a full disciple of Christ. Ang hirap niyan. Kaya sa kasal pinapaganda natin para makalimutan muna nung ikakasal ang hirap na kanilang sinusuong. Pero mahirap iyan. Pag kayo ay nagkaanak na, kayo ay nagmanugang na, nagkaroon ng mga apo, madali ba iyan? Hindi. Hindi niyo puwedeng sabihing graduate na, yung mga nagkaka-apo. O nagasawa na lahat ang mga anak sasabihin, tapos na ako. Hindi ho. Ang pagiging magulang nandiyan pa. Hahanap ka ng ibang estilo ng pagiging magulang. Nagka apo na kayo… maraming lolo at lola na ngayon, balik sa pagbe- baby sitter, sa pagaalaga. Walang katapusan po iyan. At sino ang nagsabing madali. Wala. Wala namang buhay na madali. Ewan ko siguro yung mga nadadalian yung mga nangdurukot diyan, nagnanakaw diyan. Pero yung tunay na nagbubuo ng sambayanan marangal, maka-Diyos, maka-kapwa, huwag tayong magreklamo, bahagi iyon. At kapag hindi kayo nakakaranas ng hirap, baka hindi community ang inyong tinatayo. Nobody said it will be easy. Pero po, kapag pinagtiyagaan, magugulat kayo sa hindi ninyo napapansin na pamamaraan, may bunga na pala.

Dito ho ako magtatapos. Doon po sa aming parokya kung saan ako lumaki nung bata po akong pari nagkaroon ng program doon na BEC, Bible based. Nakakatuwa, kasi yung bahay ng parents ko, yung bahay naming, kasama sa isang BEC, magkakapitbahay. Umiikot sila para mabisita lahat ng bahay sa Bible sharing. Malaki man yung bahay, barong barong man, lahat ay napasok, lahat nagiging host. Lahat ay nagiging participants. At nakakatuwa po. Tapos natuklasan din nila na ang BEC ay agad agad mamamatay kung wala silang ginagawa kundi mag-meeting ng mag-meeting. Kasi ang community hindi meeting. Kaya ginawa nila, once a month lang ang Bible sharing. May isang linggo na spend with your family. May isang linggo na community service sila, maglinis ng kalye… Kasi kapag puro meeting ang unang umaayaw mga tatay. Kaya brineak nila yun. Once a month lang ang meeting pero yung ibang weeks mayroon silang ibang activities. Family isang week. May week naman na maglinis ng imburnal, magwalis walis doon, bisitahin ang mga maysakit, bisitahin ang may birthday at pagkatapos kantahan ng happy birthday, ayaw pang umalis… Nakakatuwa… Lahat ng nabiyuda pinupuntahan, lahat ng maysakit. So yung being community ay hindi lamang doon sa paguusap at pag-study of the Bible kundi may action.

Alam niyo ho dadalawa lang naman kaming magkapatid, eh. Kapatid ko nasa ibang bansa. Ako naman ay pari, wala rin sa pamilya. Alam niyo nakita ko yung bunga ng community, kasi ho doon sa community na iyon ang parents ang pumapasok sa trabaho sa Maynila, yung iba may mga sari sari store. Nagulat ako nalaman ko nalang later na minsan pala ang nanay at tatay ko pag papasok sa Maynila dala dala yung mga pabilin yung mga ari ng sari sari store na ibebenta nila para hindi na kakailanganing pumunta sa Maynila nung mga kapitbahay. So inassume na ng parents ko na papasok naman sila sa Maynila, pagkalabas bibilhin na nila yung kund anu-ano… So nagulat ako kasi it came from them, parang tulungan na ganoon. At very specific, kung ano yung pangangailangan ng bawat isa.

Nung kami ng mag kapatid hindi na makauwi sa bahay, kapag piyesta di maraming dadalaw makikipiyesta, makikikain. Minsan po umuwi ako nakita ko marami rami rin namang niluto. Sabi ko sa nanay ko, dami niyong niluto, pagod na pagod na kayo. Ay hindi ako, itong ito mga ka-BEC katulong niya sa paggagayat, sa… kasi alam nila wala ang mga anak, sila na  po, pati sa paghuhugas ng pinggan.. . At sa gabi, hati-hati na sila yung pauwi naman ng nanay, di yung buong barangay …

At panghuli po, nitong nagkahabagat, tumawag ako sa amin. Tumataas ang tubig, sabi ko, Nay, Tay umakyat na kayo baka kayo madulas pa diyan… Reluctantly umakyat. Nung muli akong tumawag, O kumusta na kayo? Relax ka lang, huwag ka nang umuwi nandito ang mga kapitbahay, tinutulungan kami. Sila ang mga nagakyat ng mga gamit. At nung humupa na yung tubig, sila po ang naglinis dun. Who says it will not work? I am a witness. Thanks to BEC. Panatag ang loob ko, kahit ako physically hindi lagi nandoon alam may bigger family na nagaalaga, tumitingin sa aking mga magulang.

It was not easy, but it was fruitful. So ano po tayo, huwag magpapatalo sa hirap. God will surprise us with the fruits of BEC. Maraming salamat po.